Naghain ng resolusyon sa Kamara si Congressman Bayani BF Fernando na nag-uutos sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na magpatupad ng programa sa epektibong Teacher-Student Learning Strategy upang maibalik ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng House Resolution 2334, sinabi ni Fernando na napakababa na ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas at ang mga estudyanteng Pilipino ay pinakamahihina pa sa buong South East Asia batay na rin sa mga datos ng iba’t-ibang pag-aaral ng World Bank, kaiba sa katayuan nito may 50 taon na ang nakaraan kung saan isa ang Pilipinas sa nangunguna sa galing at kalidad ng edukasyon.
Mungkahi ni Cong BF na magkaroon ng epektibong Classroom Teacher-Student Education gamit ang mga audio visual materials o modules na sabay papanoorin ng mga estudyante at guro sa unang 15-30 minuto ng klase. Pagkatapos mapanood, magkakaroon ng talakayan tungkol sa module kung saan magsisilbing facilitator ang guro. Sa paraang ito ay sabay na natututo ang guro at mga estudyante.
Tinatayang 19,200 na module ang kailangang gawin para sa lahat ng grade levels (Grade 1-12) o 1,200 kada grade level. Batay ito sa walong subject kada grade level para sa 200 araw na pasok kada taon. Gagawin ang modules ng mga ekspertong guro at kawani ng DepEd sa bawat subject. Kaakibat nito ang pagkakabit ng monitor screens sa bawat silid-aralan.
Upang maipatupad ang programang ito ng DepEd, kailangan pondohan ng gobyerno ang paggawa ng modules at pagbili ng monitor screens sa kabuuang halaga na P50 bilyong piso, kasama na ang administrative costs.
Like our facebook page: Bayani BF Fernando
Subscribe to our youtube channel: Bayani BF Fernando


